NEWS UPDATE | AMERIKA NAGBABALA SA LAGANAP NA KORAPSIYON NA HUMAHARANG SA INVESTMENT SA PILIPINAS
Muling binigyang-diin ng U.S. State Department ang matinding isyu ng korapsiyon sa Pilipinas, na tinawag nitong isang “malaganap at matagal nang suliranin” sa parehong pampubliko at pribadong sektor.
Batay sa 2025 Investment Climate Statement, sinabi ng Amerika na nananatiling hadlang sa mga mamumuhunan ang graft at katiwalian, bagay na patuloy umanong nagpapabagal sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Ayon sa ulat, patuloy na nakapako ang Pilipinas sa ika-114 na puwesto sa 180 bansa sa Transparency International’s 2024 Corruption Perceptions Index.
Dagdag ng report, nananatiling mahina ang implementasyon ng anti-corruption laws at madalas na nagagamit sa politika ang ilang ahensya ng pamahalaan.
Sinabi ng ilang business groups na ang ulat ng U.S. ay dapat magsilbing wake-up call sa gobyerno upang seryosohin ang reporma at linisin ang sistema bago tuluyang umurong ang mga dayuhang mamumuhunan.