Sa wakas, tapos na ang palabas ng pekeng “kabataan” na ito. Matapos ang ilang taon ng panlilinlang, Comelec mismo ang nagsabing walang bisa mula’t sapul ang rehistro ng Duterte Youth. Hindi sila dumaan sa tamang proseso ng registration: hindi nailathala ang kanilang petisyon sa dalawang pahayagan at hindi rin isinailalim sa publikong pagdinig, bagay na malinaw na hinihingi ng 1987 Konstitusyon at ng Party-List System Act (RA 7941). Dahil dito, void ab initio ang kanilang rehistro — walang bisa mula umpisa pa lang.
Dagdag pa rito, mismong si Ronald Cardema ang sumubok na ipasok ang sarili bilang nominee matapos umatras ang lahat ng orihinal na nominees. Ang problema, 34 taong gulang na siya noon, lampas sa age limit na 25 hanggang 30 para sa youth sector. Tinuring ng Comelec ito bilang material misrepresentation at kinansela ang kanyang nominasyon noong 2019.
Hindi lang iyon. Noong Mayo 2025, bago pa man ang pinal na hatol, inihain ang isa pang kaso ng diskwalipikasyon dahil sa kanilang lantad na red-tagging laban sa kapwa kabataan at aktibista. Ayon sa Comelec, malinaw itong paglabag sa safe-spaces resolution.
Kaya noong Hunyo 18, 2025, nagdesisyon ang Comelec Second Division na tuluyang kanselahin ang rehistro ng Duterte Youth sa botong 2–1. Ibig sabihin, wala na silang accreditation at nawala ang karapatan sa mga upuang inangkin nila.
At kung akala mo hanggang panlilinlang lang sila, isipin mo rin na sa ilang taon ng kanilang pagkakaupo sa Kongreso, wala silang naipasang makabuluhang batas para sa kabataan o sa taumbayan. Ayon sa tala ng House of Representatives, halos wala silang naitalang meaningful legislative output. Isang palamunin party-list na umubos ng sweldo at pondo ng mamamayan pero halos zero ang kontribusyon sa lehislatura.
Kaya ngayong kinansela na ng Comelec ang kanilang rehistro, dapat lang nating ipagdiwang. Isang tagumpay laban sa traydor na grupong ginamit ang pangalan ng kabataan pero ang tunay na ipinaglaban ay pansariling interes at kapangyarihan.
Wala na ang Duterte Youth. Hindi na sila makakaupo. Hindi na sila makakapagbalatkayo. At sa huli, nagwagi ang katotohanan laban sa kasinungalingan.
source