Nakatanggap ang dating UniTeam tandem na sina Pres. Bongbong Marcos at Vice Pres. Sara Duterte ng milyun-milyong donasyon mula sa contractors nang tumakbo sa 2022 national elections, ayon sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).
Nakatanggap si Marcos ng kabuuang P21-milyong donasyon mula sa Rudhil Construction & Enterprises Inc. at Quirante Construction Corporation, na pag-aari nina Rodulfo Hilot Jr. at Jonathan Quirante.
Samantala, binayaran naman ng Esdevco Realty Corporation ni Glenn Escandor ang political advertisements ni Duterte na nagkakahalaga ng P19.9 milyon.
May mga umano’y aktibong kontrata sa gobyerno ang ilang nabanggit na contractors bago o habang nagaganap ang halalan noong 2022. Ipinagbabawal sa 1985 Omnibus Election Code ang pagtanggap mula sa kontratista ng donasyon ng mga kandidato.
Batay ang ulat sa pagsusuri ng PCIJ sa mga isinumite nilang statement of contributions and expenses sa Commission on Elections. Hinihingi pa nila ang panig nina Marcos at Duterte ukol dito.