Para kay Senadora Loren Legarda, wala siyang nakitang kahalagahan ng proyektong Dolomite Beach sa Maynila na nauna nang isinisi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na siyang pangunahing dahilan ng pagbaha sa kahabaan ng Taft Avenue.
“Simula pa nang ginawa ‘yung dolomite ay hindi ko nakikita kung anong kahalagahan ‘yan. Bakit natin gusto magka-white sand beach diyan. ‘Yan naman ay artificial at hindi dapat nilipat mula sa Kabisayaan hanggang sa Manila Bay,” pahayag ni Legarda.
“Ako sa ngayon sa beautification, okay. Pero ang beautification na ayon sa siyensya. Pero hindi dapat yan ginawa. Pero yan ay isang tuldok lang sa maraming kababalaghan at hindi dapat ginagawa,” dagdag pa niya.
Nauna nang sinabi ni MMDA Chairman na Don Artes, na noong ginawa ang Dolomite beach, tatlong tatlong pangunahing drainage outfall ang isinara, kabilang umano ang Faura, Remedios at Estero San Antonio Abad.
Dahil dito, napilitan ang tubig-ulan na dumaan sa isang sewerage treatment plant na hindi sapat ang kapasidad tuwing malakas ang ulan.
Sinimulang gawin ang artificial beach sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2020 at binuksan sa publiko noong 2022.
Sabi sa mga ulat, P389 milyon ang ginamit sa nasabing proyekto.